Ibinahagi ni Interior Sec. Benhur Abalos kung ano pa ang mga nangyari matapos ma-hostage si dating Sen. Leila de Lima ng kapwa niya mga detainee sa Camp Crame.
Sa panayam ng media, sinabi ni Abalos na humiling ang tatlong detainee na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan at Feliciano Sulayao Jr. ng sasakyan at helicopter upang makatakas sa custodial center ng Camp Crame.
“Gusto kong iklaro sa mga nakikinig ngayon, itong tatlong ito ang target nila ay tumakas… Na-hostage si [former] Senator. Tinalian at piniringan ang mata. Humihingi ng kung ano-ano, ng hummer, ng helicopter, et cetera,” sabi ni Abalos.
Nailigtas naman si De Lima matapos magdesisyon ang mga otoridad na patumbahin ang detainee ng tuluyan upang maiwasan na masaktan ang dating senador.
Ayon sa mga otoridad ay nangyari ang pangho-hostage sa oras kung saan pinapayagan ang mga detainee na lumabas ng kanilang selda upang magpa-araw.
Personal din kinausap ni Abalos si De Lima at tinanong kung gusto nitong lumipat ng detention center na tinanggihan naman ng dating senadora.
Samantala ay humihingi ng kasagutan ang mga kaalyado ni De Lima kung paano nangyari ang nasabing insidente.
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si De Lima tungkol sa nangyari.